Kapag national hero ka, nagiging tissue paper ka dahil sa maraming bagay ka nagagamit
Nasabi na marahil ng linyang ito ang lahat ng tinalakay sa klase sa araw na iyon. Tama si Renato Constantino sa kanyang sinulat na hindi maaaring maging patas at objective ang pagsusulat ng kasaysayan.Hindi maiiwasang maisama sa pagsulat ng isang manunulat ang lahat ng kanyang mga bias. Masusing pagsisiyasat ang dapat gawin upang ganap na mabigyan ng linaw ang kahit sinong mag-aaral ng kasaysayan na naglalayong ang mga maiilap na katotohanang nasa likod ng bawat kwento. Sa paksang ito umikot ang kabuan ng pinag-usapan ng hapong iyon.
Paboritong gamitin si Rizal sa iba’t ibang gamit ng maraming manunulat upang bigyang kahulugan ang kani-kanilang mga paksa at i-ayon ang mga ito sa kanilang pagbibigay kahulugan kay Rizal. Sa magkaibang kahulugan nagamit ng iba’t ibang grupo ang iisang bayaning Rizal. Tiningnan bilang isang pacifist si Rizal nina Renato Constantino at ng Knights of Rizal. Ganito ang pagkakabansag sa kanya sapagkat tiningnan siya bilang isang kritiko tumatanggi sa isang armadong pag-aalsa. Sang-ayon ako sa sinabi ni Ginang Fernandez na kahit si Rizal ay sasama sa sa isang karapat-dapat na pakikidigma. Kulang sa suporta at paghahanda ang mga nagpaabot ng paanyaya na sumama si Rizal sa nilulutong rebolusyon. Matalino si Rizal nang kanyang hilingin ang mga pagbabago na kinakailangan ng bayan ngunit na naipakita niya ang kanyang karunungan nang kanyang tanggihan ang isang walang katiyakang pag-aalsa. Ginamit naman siya ng mga Rizalista para isulong ang kamalayan sa katutubong kultura. Higit na napakadaling ihalintulad si Rizal sa isang Asiyanong-diyos kaysa sa isang Hudyong-diyos. Sinasamba at binibigyan ng reberensya ng grupo si Rizal. Tiningnan naman siya bilang isang subversive ni Jose Maria Sison upang isulong at bigyang kahulugan ang kanyang mga pakay na itayo ang Communist Party of the Philippines. Sa pananaw ni Propesor Sison, si Rizal, mula sa kanyang pagkabata, ay pilit nang isinusulong ang mga pagbabago kinakailangan ng bayan.(01/25/2011)
No comments:
Post a Comment