Bakit nga ba higit na mahalagang pag aralan ang pambansang bayani ng bansa? Ito ang unang tanong na humarap sa klase sa unang pagkikita ng Philippine Institutions 100 (PI 100). Diretso at makabuluhang siyasatin ang dahilan kung bakit kinakailangang magbalik-tanaw sa buhay at sa mga aral mula sa mga isinulat ni Dr. Jose Rizal. Ngunit bago pa natin simulan ang paghanap ng kasagutan nito, napakahalagang tingnan muna ang batas na nagtataguyod ng Rizal Law sa saligang batas ng Pilipinas. Naisabatas ang RA 1425 o maskilala bilang Batas Rizal na naglalayong pagaralan ng mga estudyanteng kolehiyo ang buhay at nilathalang gawain sa konteksto ng kapanahunan ni Rizal. Nilalayon din ng Batas Rizal na ipaunawa sa mga magaaral ang kanilang mga sarili bilang isang prospektibong nasiyonalista, liberalista, at democratiko sa konteksto ng kasalukuyang panahon.
Tunay ngang napakahalagang pagaralan ang kasaysayan sapagkat sa pamamagitan ng disiplinang ito nagbibigyan ang madla ng lens o salamin na maaaring magamit sa pagtingin sa tunay na estado ng isang lipunan. Gamit ang lens ng kasaysayan, nagbibigyan ng pagkakataon ang lahat na maging kritikal at mapanuri sa mga bagay-bagay na nagaganap sa kani-kanilang mga bayan. Ang kasaysayan ay mas angkop tingnan bilang isang lipo ng mga pangyayari na resulta ng nakaraan at siya na mang magiging dahilan ng pangyayari sa kinakaharap. Kung ganito lamang ang paiiraling pagtingin sa kasaysayan ay marahil mas mauunawan ng mga Filipino ang kani-kanilang lugar at papel na dapat gagampanan sa kasaysayang atin namang isinusulat. Sang-ayon ako na mas makakabuti sa kinabukasan ng ating bayan kung wasto ang ating pagtingin sa ating kasaysayan.
Ano nga ba ang isang bayani? Nasa parehong antas ba ng kabayihan sina Rizal, Dolphy’t Manny Pacquiao? Ano ba ang pinagkaiba ng mga taong nabanggit? At huli’t marahil ang pinakaimportanteng katanungan, sino nga ba ang isang Filipinong bayani sa ating panahon ngayon? Buhat ng mga katanungang ito, mainam na lalabas ang tunay na pagtingin ng mga Filipino sa nasyonalismo’t kabayanihan. Sa panahong ini-idolo at higit na hinahangaan ng nakakaraming Filipino ang isang boksingerong nakasalalay ang dangal sa lakas ng kamao at dahas ng pagsuntok, tila’y nabaon na sa limot ang kagalingan at sakripisiyo ng ating mahal na si Jose Rizal. Malamang ay gumugulong na sa kaniyang kabaong si Jose Rizal kung makikita lamang niya ang kahibangan sa pagsamba ng mga Filipino sa naturang pambansang kamao. Maihahalintulad din sa parehong pagtingin ang pagpaparangal kay Dolphy ng MalacaƱang. Wala namang masama sa pagbibigay parangal sa isang artista ngunit marami itong nabubuksang iba pang mga mahahalagang katanungan. Ganoon na lang ba makakalimutin ang mga Filipino sa kanyang nakaraan na hinde na niya napaparangalan ang kaniyang mahuhusay na manunulat, mga iskulptor at iba pang alagad ng sining? Marahil ay dapat pag-aralan ng bawat Filipino ang PI 100 nang maliwanagan nang husto sa mga usaping tutukoy kung sino nga ba ang isang bayaning Filipino. (11/09/2010)
No comments:
Post a Comment